Pinatay nila ang aking Wika,
isinuksok sa kwadradong kahong pang-ibon,
at itinapon sa isang nagbabagang apoy.
Narinig ko Siyang kinakalampag ang kahon,
nagmamakaawang pakawalan;
ngunit Siya’y pinagmasdan lamang
ng mga kapatid kong
nanlamig na ang kalamnan.
Sumigaw at humingi ng tulong
mula sa mga nanonood na madla
ang Wika kong walang kalaban-laban,
subalitsila’y nag halakhakan
sa wikang hindi maintindihan.
Sumasagitsit ang mainit na apoy,
hinawakan ko ang kamay ng aking katabi,
nagmamakaawang: Siya’y buhay pa! Siya’y buhay pa!
Ngunitsiya’y umiling atsinabing,
Wala nang pag-asa, alipin tayo ng kolonyalismo.
Hindi kinalaunan ay naghalo sa hangin
ang halimuyak ng nagbubungang gumamela
at bantot ng nabubulok na basura,
tanda na ang Wika ko’y wala na.
Comentarios